Lydia


Ang mga nanay halos pare-pareho, pero bawat nanay may kakaibang kwento.

Gaya ni Lydia. Siyam na bata ang lumabas sa kanya — tatlo sa una niyang pamilya, anim sa sumunod. Ako ang panganay sa anim. Nanay ang tawag naming lahat sa kanya, pati na ng 21 niyang apo at tatlong apo sa tuhod.

Kasama sa ala-ala ko ng kabataan ang makinang panahi ni Nanay, Merit yata ang tatak. Noong una, de pidal yun pero pinag-ipunan niya ng kita sa pananahi para makabili ng motor para hindi masyadong mapagod ang paa niya.

Pagkatapos niya kaming ihanda sa pagpasok sa eskwela (may baon na dalawang pan de sal na may mantekilya at manipis na hiwa ng keso, juice at bente sentimos), maghapon na siyang nakasubsob sa harap ng makina. Tumatanggap siya ng patahi – bestida, blusa, palda, kurtina kahit ano basta hindi pantalon dahil hindi naman daw siya sastre. Yung mga natirang retaso, pagtitiyagaan niya na pagdugtung-dugtungin at buuin para maging kumot o punda ng unan. Parang quilt pero walang foam na palaman. Parang tapestry. Hindi lang yun basta tinatahi ng magkakarugtong. Sinisinop niya yun para bumuo ng pattern ng kulay at design.

Noong ipinanganak na si Sarah, bunso at tanging babae sa aming magkakapatid, dumalang ang mga kumot dahil yung mga retaso binigyan ng ibang trabaho – naging damit ni Sarah. (Sa isang banda, si Tatay naman ay nagsisinop ng mga retaso ng kahoy mula sa kanyang pagka-karpintero. Yun naman ang bubuuin niya para maging altar, study table namin, o bangkong upuan. Sa akademikong tawag, artisan ang mga magulang ko).

Lumaki kaming pinagkakasya ang kita ni Tatay sa pagkakarpintero at ni Nanay sa pananahi. Pero bawal sa amin kumain ng naka-kamay. Kelangan gumamit ng kubyertos kesehodang galunggong at kangkong ang ulam. Bawal ang maingay ngumuya. Dapat nakakamiseta pag haharap sa hapag kainan. Kapag alas-sais ng hapon, sabay sabay na magdarasal ng orasyon.

Lumaki rin kami na kapag magpa-Pasko, tinitipon ang mga lumang daamit at laruan para ipamigay sa mga kapitbahay na higit na nagdarahop; nagpi-piknik sa tabing dagat (ang Pasay ay tabing-dagat) baon ang nilutong pagkain ni nanay – malimit adobong manok. Nagtatabi rin siya ng kaunting pera para bumili ng maliliit na pandekorasyon sa bahay. Taon-taon, kaligayahan na niya na magsabit ng medalya sa aming magkakapatid. Puro kami honor student at Enero pa lang, pinag-iipunan na ang pambili ng sapatos o pantalon na gagamitin namin. Bumibili rin siya ng tela para may bago rin siyang damit. Bakit ba?

Naging nanay din siya ng maraaming aktibista at rebolusyunaryo nang magdesisyon akong mag-underground. May isang panahon na halos 12 aktibista ang nakatira sa bahay, tokahan sa oras ng tulog. Lahat sila, pinapakain ni Nanay at siya nag nagpapaliwanag kay Tatay kung bakit dapat gawin yun. Marami rin siyang ginawa sa kilusan. Tagahanap ng bahay na gagawing UG house; tagatago ng mga dokumento; tagatanggap at tagahatid ng mensahe. Minsan niyaya namin siya sa rally. Libing ni Virgilio Herbon, lider manggagawa na pinatay. Naging rally ang libing, at kasama si Nanay doon. Gabi na siya umuwi. Naglasing sa galit ang tatay ko. Natakot siya para ke Nanay. Yun na ang huling rally niya. Kahit sa EDSA, hindi na siya nagpunta.

Nang maging imbalido si Tatay noong 1986, naging bagong career ni Nanay na maging caregiver. Sampung taon yun. Halos hindi siya lumalabas ng bahay kahit pilitin at kahit payagan ni Tatay. Desisyon niya na siya ang mag-aalaga kay Tatay. Nang mamatay si Tatay noong 1996, akala ko lalaya na rin si Nanay sa pagiging homebody at magpapasyang maging woman of the world. Pero hindi. Itinakda niya ang sarili niya sa bahay, nagpalaki ng mga apo.

May dalawang pagkakataon na nasaksihan ko ang pagguho ng mundo niya — una nang mamatay si Ronnie tatlong taon na ang nakakaraan, at nang mamatay si Mandy noong Marso. Sa dalawang pagkakataon na yun, hindi ko maarok ang nararamdaman niya. Hindi ko siguro maiintindihan kahit kailan. Noong sabihin ng doktor na leukemia at wala ng pag-asa si Ronnie, narinig ko si Nanay sa kapilya – Diyos ko, bakit ang anak ko? sabi niya. Malakas. Humahagulgol. Yung boses niya galing sa sikmura. Akala ko sa sine lang yun sinasabi. Pero nang marinig ko sa tunay na buhay, at nanggaling sa kanya, nangilabot ako. Hindi ko kayang isulat ang lagim at lungkot na yun.

Noong Marso, nakita at narinig ko ulit ang boses na yun, ang hagulgol na yun. Ang bait bait ng anak ko, sabi niya sa mga nakiramay sa pagkamatay ni Mandy, bakit siya pa? Pero pagkalipas noon, kapag nailabas niya ang hinagpis, tuloy na uli ang buhay niya. Walang pait, walang bahid ng pagsisisi, walang hinanakit. Pangarap niya na magkaroon ng sariling bahay.

Noong isang taon, ibinili ko siya ng bahay sa Cavite. katabi noon, bumili rin ang mga kapatid ko. Nang matapos ang bahay, una sa mga wall décor ang mga litrato ng pamilya — yung wedding picture nila ni Tatay, yung huling family picture na buo pa kaming magkakapatid, yung picture namin nung mga bata pa kami. Kasama ng mga ala-ala niyang yun ang paggampan niya sa bagong papel niya sa buhay — lola ng mga apo.

Ang kwento ni Lydia ay kwento ng maraming iba pang nanay sa mundo. Hindi siya naiiba. Kaya siguro espesyal siya sa amin.  (May 10, 2008)Nanay and her apos

~ by saracho on April 10, 2009.

One Response to “Lydia”

  1. ang ganda naman nito…nakapunta na ba siya sa taumbayan? pwede ko ba siya ma-meet sa susunod?

Leave a comment